Umakyat na sa walo ang bilang ng mga binawing buhay ng pananalasa ng Bagyong Karding.
Sa huling bulletin ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, sinabi ni Deputy Spokesperson Asec. Raffy Alejandro na kabilang sa walo na bilang ay ang limang mga rescuers sa Bulacan na nagbuwis ng kanilang mga buhay sa kasagsagan ng kanilang operasyon.
Mayroon ding dalawang mga fatalities na iniulat mula sa Zambales, isa sa Quezon.
Tatlong indibidwal naman ang napaulat na nawawala sa Mercedes sa Camarines Norte.
Matapos naman ang beripikasyon, nalamang walang kinalaman sa bagyo ang isang casualty sa Bataan.
Samantala, aabot na rin sa 60,187 na mga indibidwal o 16,476 na mga pamilya ang kabuoang bilang ng mga naapektuhan ng pananalasa ng bagyo mula sa 948 mga barangay sa Ilocos Region, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, BICOL, at sa Cordilelra Administrative Region.
Kabuoang P3Million naman ang halaga ng pinsala sa imprastraktura sa MIMAROPA Region.
Tinatayang aabot na rin sa P160Million ang agriculture damage na winasak ng Bagyong Karding.
#
Pinsala sa mga paaralan, nagkakahalaga na ng P112Million
Tinatayang aabot sa P112Million ang halaga ng pinsala sa mga paaralan sa gitna ng pananalasa ng Bagyong Karding.
Sa huling bulletin mula sa Department of Education – lumabas na mayroong nasa 20 mga paaralan ang nawasak dahil sa bagyo.
Nagmula ito sa Cordillera Administrative Region, Metro Manila, Ilocos Region, Region 2, Central Luzon at Bicol Region.
259 na mga aparalan naman ang nananatili pa rin bilang mga evacuation centers.
Una nang nanawagan ang Department of Social Welfare and Development na magtatag na ng mga permamenteng evacuation centers sa bawat munisipalidad at siyudad sa bansa para hindi ma-antala ang mga klase sa mga paaralang ginagamit bilang mga temporary shelters.
#