SORSOGON CITY – Sa pagsapit ng Bagong Taon, bagong buhay din ang kahaharapin ng 9 na rebelde na boluntaryong sumurender sa tropa ng pamahalaan sa Sorsogon.
Sumurender ang mga ito sa pinagsamang elemento ng 31st Infantry Battalion na nakabase sa Juban, 903rd Brigade, Sorsogon Police Provincial Office at Regional Intelligence Division ng PRO5.
Bitbit ng mga sumurender na rebelde ang dalawang low-powered firearms, isang anti-personnel mine (APM), isang printer at isang bulto ng subersibong dokumentos.
Pinapurihan naman ng commander ng 31st Infantry Battalion na si Ltc. Marlon Mojica ang mga sumurender sa paggawa ng isang matalinong desisyon at pagbabagong buhay na hindi lamang nila mapapakinabangan kundi maging ng kanilang mga pamilya at bansa.
Ang nangyaring pagsurender ay bunga ng patuloy na kampanya ng yunit laban sa nasabing teroristang grupo.
