CAMARINES NORTE – Itinalaga na nitong Martes, Pebrero 20 ang bagong Kura Paroko ng Parroquia De San Juan Bautista, dito sa bayan ng Daet sa katauhan ni Rev. Fr. Joel Villania.
Pinangunahan ni Diocese of Daet Bishop Rex Andrew Alarcon ang concelebrated mass at installation ng bagong Pastol sa isa sa tatlong pinakamatandang simbahan sa lalawigan na dinaluhan ng hindi bababa sa 30 kaparian, relihiyoso at layko.
Sa kaniyang homily ipinaalala ni Bishop Alarcon ang pinakapangunahing responsibilidad ng isang Kura Paroko at ito aniya ay ang pagiging pari, propeta at pastol.
Ayon sa Obispo, bilang Kura Paroko ay responsibilidad din ni Fr. Villania na pangalagaan at pangasiwaan ang parokya at ang mga ari- arian nito.
Hinimok din ng Obispo ang bagong talagang Kura Paroko na panatilihing bukas ang simbahan sa lahat ng mga mananampalataya at dalhin ang mga tao sa Diyos.
Sa kaniya namang mensahe, pinasalamatan ni Fr. Villania si Bishop Alarcon sa tiwalang ibinigay sa kaniya na pamahalaan ang isang malaking parokya na katulad ng St. John the Baptist.
Dati na umano siyang na- assign dito noong dekada 90 bilang katuwang na Pari.
Pinasalamatan din nito ang lahat ng mga parokyang kaniyang pinaglingkuran.
Ilan lang sa kaniyang naging pastoral assignment sa mga nakalipas na taon ay naging formator ng Holy Trinity College Seminary at Kura Paroko ng Parish and Shrine of St. Lucy sa Capalonga, St. Joseph Husband of Mary sa Lag-on dito sa Daet at Our Lady of the Most Holy Rosary sa Jose Panganiban.
Pinalitan ni Villania si Fr. Ronald Anthony Timoner na itatalaga namang Kura Paroko ng Parroquia De San Pedro Apostol sa Vinzons ngayong darating na Huwebes, Pebrero 22.
Si Fr. Timoner ay pitong taong naging Kura Paroko ng St. John the Baptist.
Matatandaan na Pebrero 2017 nang italaga siya bilang pastol ng kaniyang hometown ng noo’y Obispo ng Daet at ngayo’y Lipa Archbishop Gilbert Garcera.
