CAMARINES NORTE- Matapos ang ilang linggong walang aktibong kaso ay muling nakapagtala ng panibagong kaso ng COVID- 19 sa bayan ng Basud, Camarines Norte noong Sabado.
Batay sa opisyal na pahayag ng Lokal na Pamahalaan, ang bagong tinamaan ng sakit ay isang 19 anyos na lalaki na may code na Bicol No 46676 mula sa Barangay Tacad na nagpapagaling ngayon sa Camarines Norte Provincial Hospital.
Unang nakaranas ng sintomas ang pasyente noong November 24. Wala itong travel history at hindi rin alam kung paano nahawa ng sakit.
Agad naman umanong isinailalim sa quarantine procedure ang close contacts ng pasyente at isasailalim sa RT- PCR test.
Kinumpirma naman ng LGU na ang pasyente ay fully vaccinated na nakakaranas ng moderate symptoms.
Kahit mababa na at halos wala nang naitatalang kaso ng COVID- 19 ay sinabi ng LGU na mananatili ang operasyon Temporary Treatment and Monitoring Facility para pagdalhan ng mga magpopositibo sa sakit na asymptomatic at mayroong mild symptoms.
Maliban dito, mananatili rin ang mga Barangay Isolation Unit sa naturang bayan.
Umaabot na sa mahigit 230 ang naitalang kaso ng COVID- 19 sa naturang bayan na mayroong 17 pagkasawi.
