LEGAZPI CITY – Iniimplementa na sa lalawigan ng Albay ang bagong fair market value ng gravel, sand at iba pang quarry resources sa bisa ng executive order na pirmado ni Albay Governor Noel Rosal.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Board Member Rolly Rosal, kanyang sinabi na bagama’t hindi pa ito aprobado ng Sangguniang Panlalawigan ng Albay, agad na itong ipapatupad dahil sa kahilingan ng mga Albayanong nahihirapan dahil sa taas sa presyo ng buhangin at bato.
Aniya, kung pagbabatayan naman ang mga public hearing, baka abutin pa ng 2 hanggang 3 buwan bago ito maisakatuparan at sa tingin naman nila, maituturing itong “urgent matter”.
Paliwanag niya, legal umano ito dahil sa aprobado ito ng gobernador subalit ang mga public hearing umano kaugnay ng nasabing isyu ang isasagawa pa rin ng Sangguniang panlalawigan.
Dadaan umano ito sa 1st hanggang 3rd and final reading.
Kung matatandaan, base sa napagkasunduan, bababa ang presyo ng mga aggregates presyo ng buhangin per cubic meter ay P250 mula P500; P400 ang graba mula sa P600; P150 naman ang pick-up price ng buhangin mula sa quarry site at P200 ang graba, habang ang delivery rates mula sa unang limang kilometro para sa buhangin ay P400 at P550 sa graba na may P10 dagdag sa mga susunod na kilometro.