KORONADAL CITY — SA kabila ng kahirapan, hindi nagdalawang isip ang isang tricycle driver sa lungsod na ibalik sa pamamagitan ng 95.7 Brigada News FM Koronadal ang bag na naiwan sa tricycle nito na may lamang mahigit sa P100,000.
Kinilala ang nabanggit na tricycle driver na si Jerry Meterio, 57-anyos at residente ng Barangay Avanceña, Koronadal City.
Ayon kay Meterio, bandang pasado alas-2 ng hapon kahapon nang bumaba ito ng tricycle upang bumili ng toron bilang meryenda nang mapansin nito ang sling bag na kulay itim na naiwan sa kanyang tricycle.
Dahil marami na umano itong naging pasahero, hindi na niya matandaan kung sino ang nagmamay-ari ng nabanggit na bag.
Nang suriin kung ano ang laman ng bag, bumungad sa driver ang naka-bundle na tag-P100 at tag-P500 na cash mula sa banko, maliban pa sa perang nasa wallet.
Hindi naman nag-atubili ang driver at agad na iturn-over ang bag sa Brigada News FM Koronadal.
Agad namang na-contact ang may-ari nito ayon na rin sa mga IDs na nasa wallet.
Isang empleyado ng private company mula sa bayan ng Tampakan ang naka-iwan ng nabanggit na bag at ayon pa sa kanya, pang-sweldo ang nasabing pera sa kanilang mga empleyado.
Sinabi ni Meterio na hindi ito nagkaroon ng interes sa pera dahil sa kanyang konsensiya.
Sa kabuuan, umaabot sa P116,000 ang perang na nasa loob ng naiwang bag.
Bilang pasasalamat, inabutan naman ng babae ng P1,000 bilang ang driver habang pinabaunan din ito ng Brigada News FM Koronadal ng isang sakong bigas at noche buena package.
Kaninang umaga, binigyan ito ng P5,000 na cash bilang pamasko ng pribadong kompanya na nagmamay-ari ng nasabing pera.
