Umabot na sa 300 beses ang pagpaparetoke ng isang babaeng mula sa Japan, at humigit-kumulang 30 million yen o katumbas ng 13 million pesos ang kanyang nagastos para dito.
Kinilala itong si Tsubaki Tonomi, isang modelo sa Japan na may matinding obsesyon sa pagpapagawa ng katawan o pagpapaganda.
Sa isang television interview ay lakas-loob na inamin ni Tonomi na siya ay nagparetoke ng 300 beses at ang dahilan nito ay walang iba kundi ang pamimintas ng kaniyang sariling ina sa kaniyang itsura.
Mula pagkabata, madalas nang magreklamo ang kaniyang ina sa harap ng ibang tao tungkol sa kanyang itsura na hindi kagandahan.
Ito ang naging dahilan kung bakit sa edad na 18-anyos ay nagsimula siyang sumailalim sa pinakauna niyang plastic surgery, ang ‘blepharoplasty’ o double eyelid surgery.
Nang nagkaroon na siya ng stable income sa edad na 21, ay nagsimula siyang magpagawa ng marami sa kanyang katawan katulad ng rhinoplasty, eye-shaping surgery at breast implants.
Sa edad na 39 ay wala pa siyang balak na tumigil sa pagpaparetoke. Kasalukuyan pa ring nagtatrabaho bilang isang modelo si Tonomi, isa rin siyang content creator at social media influencer sa Facebook, Twitter, Instagram at Japanese blog site na Ameba.### ALLYZA BALLON, Intern