CAMARINES NORTE- Patay ang isang babae makaraang malunod habang namamangka sa Basud River sa Sitio Puktol, Purok 1, Barangay Tacad, Basud, Camarines Norte, Huwebes ng hapon.
Kinilala lang ang biktima sa pangalang “Nemi” nasa hustong gulang, may asawa at residente sa naturang lugar.
Sa imbestigasyon ng pulisya, habang ang biktima at ang dalawa pang kasamahan nito ay namamangka sa naturang bahagi ng ilog ay biglang lumakas ang hangin at alon dahilan upang tumaob ang bangkang kanilang sinasakyan.
Dahil sa lakas ng agos ng tubig ay nadala at nahila nito pailalim sa tubig ang biktima.
Ilang minuto pa ang lumipas ay natagpuan ang biktima na isinugod pa sa Camarines Norte Provincial Hospital pero ideneklarang dead on arrival ng doctor.
Agad ding nag request ang imbestigador ng Basud Municipal Station para sa pagsasagawa ng autopsy pero tumanggi na umano ang pamilya nito.
Samantala ligtas naman ang dalawang kasamahan ng biktima.
