KORONADAL CITY- NAGPAPATULOY ang validation at assessment ng Department of Social Welfare and Development o DSWD Region 12 sa mga lugar sa rehiyon na sinalanta ng baha dahil sa malakas na pag-ulan.
Sa Koronadal City, 367 na mga pamilya ang apektado ng pagbaha sa apat na mga barangay, ang Barangay San Jose, Esperanza, Topland at Cacub.
Ang mga ito ay nakatanggap ng tig-dalawang box ng Family Food Packs.
Sa datos naman ng Koronadal City Social Welfare and Development Office, 68 mga kabahayan ang totally damaged habang 113 na mga pamilya ang kasalukuyang nasa mga evacuation areas.
Ang mga evacuees ay nakatanggap na ng sleeping kit, family kit at hygiene kit mula sa DSWD 12 at nag-install din ang mga ito ng 30 mga modular tents sa evacuation area sa Barangay Esperanza.
Samantala sa Sultan Kudarat, apat na mga barangay din ang sinalanta ng baha sa bayan ng Lutayan, ang Barangay Blingkong, Palavilla, Simsiman at Lutayan Proper.
Nasa 287 na mga pamilya ang apektado sa naturang lugar kung saan 33 sa mga ito ay nasa mga evacuation areas.
