NAGA CITY – Naglibot ang mga personahe ng City Population and Nutrition Office sa mga malalaki at maliliit na tindahan sa paligid ng Naga City Peoples Mall (NCPM) o Pampublikong merkado para sa salt monitoring sa layuning malaman ang iodine content ng mga itinitindang asin na isa sa pangunahing sangkap sa pagluluto.
Ayon kay Rose Zuniega, isa sa naglibot mula sa CPNO, importanteng malaman nila ang kalidad ng mga asin kung ito ay nasa range ng 30-70 PPM o parts per million, ibig sabihin kompleto ang iodine content nito na kailangan ng ating katawan, tuloy maiwasan ang Iodine Deficiency Disorder o pagkakaroon ng sakit dahil sa kakulangan ng iodine.
Sa panayam ng Brigada News FM Naga kay Zuniega, nagbigay siya ng mga sakit na puwedeng makuha kapag kulang sa iodine ang katawan lalo na ng mga bata na mahalagang mahalaga habang sila ay lumalaki.