SORSOGON CITY – Aabot sa 6 na high powered firearms at dalawang anti-personnel mines (APM) ang nasamsam ng tropa ng pamahalaan sa magkahiwalay na operasyon kahapon ng umaga sa lalawigan ng Sorsogon.
Dakong alas 5:10 ng madaling araw, sa Brgy Calpi sa bayan ng Bulan ay narekober ng tropa ng 22nd Infantry Battalion ang tatlong M16 A1 rifles, isang kalibre .38 na revolver, dalawang anti-personnel mine, 5 magazine para sa M16 rifle, 73 piraso ng bala para sa M16 rifle, blasting caps, 20 metros na wire at propaganda materials.
Una rito, habang nagsasagawa ng combat operations ang mga sundalo ay isang impormasyon ang natanggap ng mga ito tungkol sa nakatagong mga armas ng NPA sa nasabing lugar na nagresulta sa pagkadiskubre ng mga nasabing armas.

Alas 8:10 ng umaga naman nang makaengkwentro ng tropa ng 31st IB ang hindi madeterminang numero ng rebeldeng NPA sa Brgy San Fernando sa bayan ng Pto Diaz.
Narekober naman dito ang tatlong M16 rifle at propaganda materials ng NPA. Nagpapatuloy sa ngayon ang pagsisiyasat ng dalawang tropa sa mga karatig na lugar na puwedeng pagtaguan ng mga rebelde.
