Arestado ang isang lalaki sa ikinasang hot-pursuit operation ng mga awtoridad matapos tangayin ang motorsiklo ng isang babae sa Brgy. Sta. Ana Mabini, Batangas.
Batay sa report, personal na nagtungo sa Mabini Municipal Police Station ang biktima para isumbong ang nangyari.
Ayon sa salaysay ng biktima, naiwan niya ang susi ng kaniyang motor habang nakaparada sa labas ng kanilang bahay.
Nang balikan niya raw ito, wala na ang kanyang motor at may nakapagsabing may tumangay rito.
Agad namang nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek at nabawi mula rito ang tinangay na motorsiklo.
Sa ngayon, ay nasa kustodiya na ng pulisya ang naarestong suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10883 o New Anti-Carnapping Act of 2016.