CAMARINES NORTE- Inihayag ni Governor Ricarte “Dong” Padilla na pinag- aaralan na nila ngayon kung posibleng maging P500 na ang arawang sweldo ng job order employees ng Provincial Government sa susunod na taon.
Sinabi ito ng Gobernador sa kaniyang mensahe sa Flag Raising Ceremony kaninang umaga sa Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH) bago ang isinagawang blessing ng newly improved emergency room at private rooms.
Ayon kay Padilla hindi sapat para makabuhay ng pamilya ang P350 lalo na ngayong patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Kaya naman umanong inasikaso ng kaniyang administrasyon ay ma- adjust sa P450 ang sweldo ng mga Job order employees mula sa kasalukuyang P350.
Inaayos na rin umano ng Provincial Government ang pinaka isyu ngayon sa CNPH maging sa kapitolyo hinggil sa pagka delay ng sweldo ng mga empleado
“Nalulungkot po ako dahil ang isa sa pinaka isyu natin dito sa provincial hospital pati sa probinsiya, sa kapitolyo ay ang delayed ng sweldo, lagi pong nadi- delay ang sweldo natin kaya po ako humihingi, personal na akong humihingi ng inyo pong paumanhin pero huwag po kayong mag aalala tinututukan namin ngayon na hindi na madi- delay ang sweldo natin lalong lalo na dito sa provincial hospital,” ani Padilla.
Nagpaliwanag din ang Gobernador hinggil sa isyu ng kapangyarihan ngayon sa CNPH makaraang italaga nito noong Hulyo si Dr. Liborio Ferrer bilang Chief of Hospital kaya tila naitsapwera naman si Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco.
Paliwanag ng opisyal masyadong malawak daw kasi ang trabaho ng PHO kaya para matutukan ng husto ang CNPH ay minarapat niyang magtalaga ng Chief of Hospital na siyang mangangasiwa sa buong operasyon nito.
Malinaw aniya ang delineation of duty, si Francisco bilang PHO ay siya umanong mamahala sa mga health issues sa buong probinsiya habang si Ferrer naman ang pangkalahatang taga pamahala ng CNPH.
