LEGAZPI CITY – Nilinaw ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) na normal at natural lamang ang mga naririnig na rumbling sounds o dagundong mula sa Bulkang Mayon dahil sa rockfall events nito.
Marami kasi sa mga residenteng inilikas lalo na iyong mga nasa labas ng 6 kilometers permanent danger zone ang nagsabing sila ay natatakot dahil sa dagundong na kanilang naririnig na pinaniniwalaang mula sa bulkan.
Subalit, ayon kay APSEMO Chief Dr. Cedric Daep na normal lamang ito – hindi man magandang pakinggan lalo na sa loob ng tahanan ngunit hindi naman mapaminsala.
Doon lamang umano kasi sa base ng bulkan ang tunog na iyon at hindi sapat na dahilan upang magdeklara ng paglilikas.
Gayundin naman, ang volcanic earthquakes ay hindi rin mapaminsala sapagkat sa base lamang umano ito nangyayari kung ikukumpara sa tectonic earthquakes.
Ayon kay Daep, tulad ng mga dagundong, hindi rin sapat na basehan ang volcanic earthquakes ng bulkan upang magpa-evacuate, maliban na lamang kung magkaroon ng tectonic earthquakes.
Subalit kung sasabihin ng PHIVOLCS na mayroon na silang makitang harmonic tremors kasabay ng dagundong, dito na sila magdedeklara ng mandatory evacuation.