BNFM BICOL—Hinihintay na lamang ng pamunuan ng Catanduanes State University ang approval ng Office of the Mayor upang masimulan ang implentasyon ng limited face to face classes ng mga estudyanteng kumukuha ng kursong Nursing at Engineering.
Sa isang panayam sinabi ni CatSU President Dr. Patrick Alain Azanza na bagamat aprubado na ng CHED ang “face to face” mode of learning sa dalawang nasabing kurso, may mga karagdagang requirements at assessment ang kailangang maipasa ng unibersidad sa tanggapan ng alkalde bago ang implementasyon nito.
Dagdag pa ng opisyal, sa ngayon aniya ay nagpadala na sila ng sulat sa tanggapan ni Virac, Catanduanes Mayor Sinforoso Sarmiento upang anyayahan itong bumisita sa campus para isagawa ang pag inspeksyon kung handa na ba muli itong magsagawa ng face to face classes nang hindi nailalagay sa alanganin ang kalusugan ng mga guro at mag-aaral.
Sakaling maaprubahan, posible na ang pagbabalik unibersidad ng mga estudyante ngayong darating na buwan ng Hunyo at Hulyo ng kasalukuyang taon.###