LEGAZPI CITY – Suportado ng Albay Power and Energy Corporation (APEC) ang sinabi ni Senator Raffy Tulfo, bagong talaga na Committee Chairman on Energy na tututukan nito ang reklamo sa malawakang brownout.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Chief Operating Officer Apolinario Alvarez ng APEC, sinabi nito na willing silang humarap kung sakaling ipatawag sa hearing dahil maganda umano ito para mai-address ang problema at makapaglatag ng solusyon.
Kung sakali man umanong ipatawag ang APEC, isa sa kanilang isusuhestyon ay kung paano matutulungan ang pagbaba ng presyo ng electric bill dahil na rin sa tumataas na presyo ng langis.
Kung matatandaan, isa sa mga nirereklamo sa lalawigan ay ang halos araw-araw na brownout sa ibat-ibang bahagi ng lalawigan.
Sa buong Bicol region din, isa ito sa may pinakamataas na binabayarang kuryente kahit na nandito ang pinaka-source ng kuryente.