Misamis Oriental, Philippines— Pinag-uusapan at viral ngayon sa social media ang tila aparisyon ng umano’y mukha ng Panginoong Hesu Kristo sa larawan ng isang pamilya sa Misamis Oriental.
Matapos kasing ma i-upload ni Shiela Sta. Rita ang selfie ng kanilang pamilya sa facebook na kinuha mula sa ‘Sipaka Heights’ sa bayan ng Talisay ng nasabing probinsya, napansin ng mga netizens ang tila hugis mukha ni Hesus sa isang bahagi ng bundok sa nasabing lugar.
Kwento ni Shiela, habang hinihintay nila ang pagdating ng mga ititinda nilang isda, naisipan nilang kumuha ng larawan sa lugar. Wala naman umano siyang kakaibang napansin kaya’t laking gulat niya ng umani ito ng samu’t-saring reaksyon sa publiko.
Ayon sa Simbahang Katolika, hindi nila itinatanggi ang mga katulad na insidente ngunit nangangailangan ito ng masusing pag-aaral at imbestigasyon bago mapatunayang ito nga ay isang ‘aparisyon’ ng Panginoon.
Totoo man o hindi, magsilbi nawa itong paalala sa lahat na sa gitna ng krisis at mga pagsubok na ating nararanasan araw-araw, huwag tayong makakalimot at bibitiw sa ating pananampalataya sa Diyos.### JUMEL DELA ROSA