Ipinahayag ni Senate President Juan Miguel Zubiri na ibabalik na ang dating setup sa loob ng Senado matapos ang mahigpit na pagsunod sa patakaran laban sa COVID-19.
Ayon kay Zubiri, simula sa Lunes ay hindi na magiging mandatory ang antigen test at facemask sa mga kawani at bisita sa Senado.
Binigyang-diin ng senador na mawawala na rin ang mga markers na pang-social distancing sa mga upuan sa session hall.
Dagdag pa niya, ibabalik na sa mga dating hanay ang lamesa ng mga senador na pinaglayo-layo at hinarangan ng plastic barrier noong kasagsagan ng pandemya.
Pinayuhan naman din ni Zubiri ang lahat ng makararanas ng masamang pakiramdam o lagnat na magpasuri sa doktor, mag-isolate at iwasan muna ang pagbisita sa senate building upang maiwasan ang hawaan ng sakit.
