Andrea Brillantes, may panibagong pasabog sa “High Street”

Nagbabalik ang mga bida ng “Senior High” para sa season two ng serye nilang “High Street”.

Pagkatapos ng magulong high school life, iikot na ang kwento limang taon makalipas ang Northford High graduation kung saan sasabak na sina Sky, ang karakter na ginagampanan ni Andrea Brillantes at ang kanyang mga kaibigan sa real world bilang mga adult.

Sa isang interview, inamin ni Andrea na nape-pressure siyang gawin ang season two ng serye lalo na’t naging matagumpay at minahal ng mga manonood ang “Senior High.”

“Excited ako pero may mixed emotions. Kasi ‘pag may part two, laging may pressure to make it better or for it to be as good as the first one,” sabi niya.

Kaabang-abang din ang “High Street” dahil bukod sa mga nagbabalik na karakter, kabilang na rin sa serye sina Dimples Romana, Romnick Sarmenta, Harvey Bautista, AC Bonifacio, at Ralph De Leon.

Magsisimula ang kwento sa reunion ng Northford High students kung saan may kanya-kanya na silang mga buhay at abala na ngayon sa kanilang mga trabaho.

Sa kabila ng kanilang tila mapayapang pamumuhay, mayayanig muli ang kanilang mundo nang makidnap si Z (Daniela Stranner) ng isang ‘di kilalang grupo.

Sino ang nasa likod ng pagdukot kay Z? Ano-ano pa ang mga rebelasyon ang gugulantang kina Sky?

Ang “High Street” ay mula sa direksyon nina Onat Diaz at Lino Cayetano. Kabilang din sa serye sina Juan Karlos, Elijah Canlas, Xyriel Manabat, Zaijian Jaranilla, Miggy Jimenez at iba pa.

Mapapanood na ang “High Street” simula Mayo 13, Lunes ng 9:30 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5.

Masusubaybayan din ang mga episode nito sa iWantTFC 48 oras bago ito ipalabas sa telebisyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *