Nagdulot ng perwisyo sa mga residente ang masangsang na amoy, na mula sa tumagas na ammonia sa isang planta ng yelo sa may Lopez Avenue, Barangay Batong Malaki, Los Baños, Laguna.
Batay sa report, naganap ang pagtagas bandang alas 5:00 ng umaga noong nakarang June 29, 2024 na nagdulot ng pagkairita, pagluluha, pamumula ng mata at balat ng mga residenteng malapit sa planta.
Kaagad namang umaksyon ang pamunuan ng Barangay Batong Malaki at pansamantalang ipinasara ang planta at nailikas ang mga residenteng malapit dito.
Ayon sa Kapitan ng naturang Barangay, sasagutin ng planta ang gastos para sa ilang mga residenteng naospital dahil sa masangsang na amoy.
Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na ang mga awtoridad sa may ari ng planta para sa tamang proseso nang naganap na insidente.