Pangunahing dahilan umano ng sumukong amazona ng NPA sa pamamagitan ng Isabela Provincial Task Force-End Local Communist Armed Conflict ay ang naranasang kahirapan at psychological torture sa loob ng kilusan.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay Capt. Rigor Pamittan ang Chief ng DPAO, 5ID, PA, na ang sumukong amazona ng NPA ay si alyas Gladys, 29-anyos, Sitio Tapigue, Barangay Ayod, Dinapigue, Isabela na miyembro ng Section Guerilla Unit RSDG-KRCV.
Aniya, isinalaysay umano ni alyas Gladys ang naranasan nitong kahirapan at psychological torture sa loob ng kilusan at nabalitaan ang pagsuko ng kanyang mga kasamahan sa pamahalaan.
Ito umano ang naging dahilan nito upang tuluyan nang sumuko sa pamahalaan upang mawakasan na ang nararanasan nitong paghihirap.
Dagdag pa ni Capt. Pamittan, nalinlang at napabilang umano sa kilusan si Gladys noong February 05, 2016 at nagsilbi sa ilalim ng command ni alyas Davao.
Dahil sa kahirapan at pangako umano ng NPA kay alyas Gladys na maayos na pamumuhay ang naging dahil kaya’t nagsilbi ito sa kilusan ng limang taon.
Ipinunto naman ni Capt. Pamittan na dahil sa pagsuko ng mga dating miyembro ng NPA sa pamahalaan ay unti-unti nang humihina at nabubuwag ang mga rebeldeng grupo sa probinsya.
Samantala, pinasalamatan naman ni MGen Laurence Mina, Commander ng 5ID ay desisyong pagsuko ni alyas Gladys at tuluyang pag-abandona sa kilusan upang makapamuhay ng payapa.