CAMARINES NORTE- Problema ngayon ng Lokal na Pamahalaang Bayan ng Mercedes ang kawalan ng fire truck na magagamit sa sandaling magkaroon ng sunog sa naturang bayan.
Ang nabili kasing fire truck ng LGU ilang taon na ang nakakalipas ay kalahating taon nang sira at kailangang ipaayos.
Dahil dito sumulat si Mayor Alexander Pajarillo noong nakaraang buwan kay Interior Secretary Benjur Abalos para humiling ng bagong fire truck na magagamit sa naturang bayan.
Nakasaad sa sulat ng opisyal na isinapubliko nito lang Lunes, na sa unang araw ng kaniyang pag upo sa pwesto bilang Alkalde noong July 2022 ay ang tanggapan ng Bureau of Fire Protection ang isa sa kaniyang pinaka unang binisita.
Dito ay kaniya umanong napag alaman na ang Fire Truck na nabili ng LGU mula sa Local Fund noong 2013 ay “beyond economic repair” na.
Dahil dito humiling ang Alkalde ng bagong fire truck sa kalihim ng DILG para may magamit sakaling magkasunog.
Matatandaan na noong Oktubre ay isang jeep na pag- aari ng isang Barangay Official ang nasunog na hindi agad narespondehan.
Kinailangan pa kasing tumawag ang BFP Mercedes sa Daet Fire Station na pitong kilometro ang layo.
Nilamon na ng apoy ang jeep bago pa dumating ang mga kagawad ng pamatay sunog.
Mabuti na lamang umano at hindi nasunog ang garahe kung saan naroon ang jeep dahil kung nagkataon ay mas malaking pinsala ang idudulot.
Hulyo ng taong kasalukuyan nang una na ring sumulat ang Alkalde sa tanggapan ni Fire Director Louie Puracan para humiling ng fire truck.
Tugon ni Puracan limitado lang din ang budget ng BFP pero nangako ito na ikukunsidera ang hiling ng Alklade para sa bagong fire truck.
