SORSOGON CITY – Anim na buwang suspensiyon ang ibinaba ng Sanggunaing Panlalawigan ng Masbate laban kay Mayor Ruben Jude Lim.
Ang suspension order ay ibinaba noong Martes, Marso 1 at isinilbi ng hepe ng Provl Civil Security Unit na si Glenn Malnegro.
Batay sa reklamo, Grave Abuse of Authority and/or Gross Neglect of Duty ang kasong kinakaharap ng alkalde.
Noong nakaraang taon nang ipagharap ng isang Wilma Arguelles ang kaso at nailabas ang promulgation noong buwan ng Enero ng kasalukuyang taon.
Nakasaad sa Dispositive portion na ‘guilty’ ang alkalde sa pang-aabuso ng kanyang otoridad at kapabayaan ng tungkulin at ang hindi makatarungang pagtanggi na aprubahan ang pagbabayad ng terminal leave pay ni Arguelles na nagkakahalaga ng mahigit P1.6M sa kabila ng ilang beses na pagfollow-up at paalala ng nagreklamo.

Ang suspension order ay ipinag-utos din ni Gov Antonio Kho na sinang-ayunan naman ng Comelec.
Sa decision ng Komisyon, inuutusan ang alkalde na mag-cease at desist sa paggamit ng kanyang kapangyarihan at pagsasagawa ng mga tungkulin bilang alkalde ng Balud epektibo pagkatapos ng expiration ng kanyang kasalukuyang apat na buwan na suspension at hanggang sa expiration ng kanyang termino sa Hunyo 30, 2022.
Ayon sa record ng Provl LGU, pangalawang parusang suspensiyon na ito ng nasabing alkalde.