Tiniyak ng DA Region 2 na kanilang bubusisihin at iimbestigahan ang paratang kaugnay sa umano’y pagbebenta sa ibinibigay na corn seed assistance ng ahensya sa mga magsasaka.
Sa naging panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay Regional Corn Program Focal Person Paul Vincent Balao ng DA Region 2, bagaman sa ngayon ay wala pa silang pormal na reklamong natatanggap ay inihayag niya na kanilang iimbestigahan ito.
Batay aniya sa paunang impormasyon na kaniyang nakita mula sa isang facebook post, ang mga sangkot sa naturang alegasyon ng bentahan ng seed corn assistance ay farmer-to-farmer ang transaksyon.
Aniya, wala pa naman siyang natatanggap na impormasyon na may nagaganap na bentahan sa pagitan ng Farmers’ Cooperative and Association at mga magsasaka o ang LGU.
Paliwanag ni Balao, mayroong tatlong programa ang DA sa pagbibigay ng ayuda sa mga corn farmers kabilang na ang seed buffer kung saan namamahagi ang ahensya ng seed assistance sa mga magsasaka na naapektuhan ng mga kalamidad matapos mai-report ito sa municipal agriculture office.
Mayroon din aniyang quick response fund kung saan tuwing nagkakaroon ng kalamidad ay ipinapaalam sa central office ang mga napinsala at nagbaba ng pondo para sa ayuda na parehong libre.
Habang ang corn seed assistance program na ipinatupad noong 2020 na pinagtibay ng memorandum circular no. 26 kung saan nakasaad dito na ang DA ay magbibigay ng binhi sa pamamagitan ng FCAs.
Layunin aniya nitong maparami ang mga magsasakang mabibigyan ng assistance dahil maliit lamang ang pondo ng corn program sa rehiyon.
Kaugnay nito, ay otorisado aniya ang mga FCA na maningil ng 50% ng presyo ng binhi sa kanilang mga miyembro pagkatapos ng anihan at nilinaw niya na hindi naman ito sapilitan.
Ang 50% ay ibibili naman ulit aniya ng kooperatiba ng binhi para sa mga susunod na farmers.
Hinimok naman ni Balao ang mga magsasaka na bumuo ng kanilang grupo o kooperatiba na siyang kaagapay aniya ng DA upang tulungan ang kanilang mga miyembro mula sa production, consolidation at marketing.