Inihayag ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na inirekumenda nila na ihiwalay ang mga bakunado mula sa mga di pa bakunadong mga indibidwal sa mga business establishments.
Sa isang panayam, sinabi ni Concepcion na komukonsulta na sila sa mga eksperto kaugnay ng concerns ng mga private sector kaugnay ng “next normal.”
Ayon kay Concepcion, pinag-uusapan nila ang isyu dahil bawal namang pagbawalan ang mga di pa nababakunahan na pumasok sa mga establisyemento.
Aniya, kung ipapatupad ang segregation, magtatakda lamang ng ibang oras para sa vaccinated at unvaccinated na mga tao na bisitahin ang mga business establishments gaya ng mga sinehan at bars.
Binanggit din ni Concepcion ang sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na kailangang magkaroon ng batas na nagbabawal sa mga di pa bakunadong indibidwal na pumasok sa mga establisyemento.
