LEGAZPI CITY – Binigyang diin ng Sangguniang Kabataan (SK) Federation Albay ang pakikiisa ng mga kabataan sa paglaban kontra iligal na droga sa lalawigan ng Albay.
Ito ang naging mensahe ni Albay SK Federation President Matthew Gamboa sa kakatapos lamang na International Day Against Drug Abuse and Illicit Trafficking (IDADAIT) 2024 hatid ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Albay kung saan ito ay may temang “The evidence is clear: Invest in Prevention.”
Ayon kay Gamboa, importante umanong nalalaman ng mga kabataan ang kanilang aktibong papel sa pagwawakas sa isa sa mga “karamdaman” sa lipunan.
Kaniya pang sinabi na ang kabataan umano ay isa sa mga pinaka-bulnerableng sektor sa komunidad, kung kaya ang aktibidad umano tulad nito ay importante lalo na at mayroon din umano silang youth development programs sa ilalim ng peace-building at security.
Kabilang sa mga kalahok ang Pamahalaang Panlalawigan ng Albay (PGA), Provincial Anti-Drug Abuse Council (PADAC), Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) Advocacy Cluster members, Provincial Peace and Order Council (PPOC), LYDOs, LYDC members, Out-of-School Youth (OSY), at ilang Youth Organizations.