Albay PHO, tututukan ang info dissemination laban sa rabies sa malalayong barangay kaugnay ng 2 kasong naitala ngayong buwan

LEGAZPI CITY – Umaasa ang Albay Provincial Health Office (PHO) na ngayong linggo ay makakapagsagawa sila ng assembly sa mga barangay sa lalawigan upang magbigay impormasyon tungkol sa rabies at turuan sila kung ano ang dapat na gawin kapag nakagat o nakalmot ng aso o pusa.

Kasunod kasi ito ng naitalang dalawang casualty dahil sa rabies sa lalawigan ngayong buwan lamang ng Enero.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay PHO head Dra. Estela Zenit, sinabi nito na halos karamihan kasi sa mga lugar kung saan nakakapagtala ng kaso ay mga malalayong barangay na hindi naaabot ng impormasyon.

Read More:  7 arrested in Cebu restobar theft case

Dahil dito, patuloy ang paalala nila sa mga lokal na gobyerno na mas palakasin ang information dissemination laban sa human rabies at paalalahanan ang mga pet owners na pabakunahan ang kanilang mga alagang hayop.

Matatandaan, kinumpirma ng tanggapan na dalawang kaso na nito ang naitala sa Albay, una ay ang pitong taong gulang na menor de edad sa Brgy. Panganiran, Pio Duran. Batay sa detalye, hindi ito naireport sa health authorities, kaya pagkalipas ng isang buwan mula nang makagat ito noong Disyembre, saka lang siya naidala sa ospital matapos makitaan ng ilang sintomas ng human rabies tulad ng takot sa tubig at hangin.

Read More:  Mayon unrest pushes Albay farm damage beyond P6.6 million

Ang pangalawang kaso naman ay mula sa Purok 6, Brgy. San Vicente, Jovellar kung saan isang walumpung taong gulang na lola ang biktima.

Ayon kay Zenit, hypertension at urinal infection ang dahilan kung bakit tinakbo sa ospital ang biktima, subalit habang nasa ward, nakitaan ito ng kaparehong mga sintomas kaya’t agad itong inimbestigahan ng doctor at napag-alaman na nakagat din ito ng aso noong Disyembre.

Samantala, nakapagsagawa na rin ng contact tracing at mass vaccination ang nasabing tanggapan.