BICOL—Ipinag-utos na ni Albay Governor Al Francis Bichara ang pagpapalikas sa mga residenteng nasa mga delikadong lugar dahil sa banta ng Bagyong Jolina.
Sa Advisory No. 3 ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO), inaatsan mga local Disaster Risk Reduction and Management Council (DRRMCs), mga LGU at iba pang local authorities na ilikas ang mga mamamayang delikado sa biglaang pagbaha, baha, pagguho ng lupa, at mga residenteng exposed sa debris at lahar flow sa paanan ng Bulkang Mayon.
Pinalilikas din ang mga residenteng nakatira sa mga bahay na gawa sa mga light materials na delikado sa mga pag-ulan at malakas na hangin gayundin ang mga malapit sa dalampasigan.
Sa gitna nito ay mahigpit pa ring itinatagubilin ang pagpapatupad sa Covid19 health protocols habang naghahanda sa paparating na bagyo.
Muli ring pinaalalahanan ang mga mangingisda at mga operator ng mga sasakyang pandagat na bawal ang paglalayag.
Ang lahat ng local DRRMC ay isinailalim sa heightened alert kung saan inaatasan silang patuloy na imonitor ang kanilang areas of responsibility at manatiling nakamonitor sa mga huling update sa lagay ng panahon.
Kinansela na rin ang trabaho sa mga pampubliko at pribadong tanggapan sa Albay at maging ang online at face to face classes upang mabigyang panahon ang lahat na makapaghanda.### || slm