Arestado ang aktor na si Dominic Roco at ang apat na iba pa sa ikinasang buy bust operation ng mga awtoridad sa Don Antonio Heights Zuzuarege, Barangay Holy Spirit, Quezon City kaninang 1:20 ng umaga.
Sa ipinaabot na impormasyon ng Quezon City Police District sa Brigada, target ng ikinasang drug operation ang suspek na si Reynaldo Sy Sanchez, alyas ‘Pogi’, 45-anyos at residente ng naturang barangay.
Batay sa imbestigasyon, huli sa akto ang suspek na si alyas Pogi sa patutulak matapos pagbentahan ng 500 pesos na halaga ng pinaniniwalaang shabu ang pulis na nagkunwaring buyer.
Kasama umano ni alyas Pogi sa transaksyon ang 33 anyos na aktor at ang mga suspek na sina Eugene Marvin Tolentino, 27 anyos; Renz Anthony Cruz, 33, at Dexie Diamante, 21 anyos.
Narekober mula sa mga ito ang 15 gramo ng pinaniniwalaang shabu na nagkakahalaga ng P102,000 at 10 gramo ng pinaniniwalaang marijuana na tinatayang nasa P14,000 ang halaga.
Ang operasyon ay ikinasa ng Quezon City Police District Station 14 Drug Enforcement Unit.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng naturang himpilan ang actor at apat na mga kasama na mahahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Si Dominic ay anak ng beteranong aktor na si Bembol Rocco.
Wala pang inilabas na pahayag ang kampo ng naturang aktor.