NAGA CITY- Pumalo sa 203 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Camarines Sur nitong linggo lamang o Agosto 14.
Sa tala ng Environment Disaster Management and Emergency Response Office (EDMERO) 16 ang bagong positibo habang 26 ang bagong gumaling. Pumalo na sa 17, 510 ang cumulative cases mula 2020; 16, 473 rito ang gumaling habang umabot sa 834 ang nasawi.
Sa patuloy na pagtatala ng kaso sa probinsya puspusan din ang kampanya upang magpabakuna. Sa Capital town Pili, sinabi ni Municipal Health Officer Dr. Rafael Salles na pinalalakas nila ang pagbabakuna sa mga bata lalo’t paparating na ang pagbubukas ng academic tear 2022-2023. Sa huling record ni Salles noong Agosto 8, mahigit 13% pa lamang ng target population sa edad 5-11 anyos ang nababakunahan. Karamihan sa mga ito ay pumapasok sa pribadong paaralan.
Bukod sa pagtutok sa nasabing age group bukas din para sa mga nais magpabooster dose.