SORSOGON CITY – Pinuri ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang inilabas na Resolution ng Commission on Human Rights (CHR)-Bicol na nagsasaad na ang estudyante at football player na si Kieth Absalon at ang kanyang pinsan na si Nolven ay dumanas ng mga paglabag sa karapatang pantao at pang-aabuso sa isinagawang pag-atake ng rebeldeng grupong NPA noong buwan ng Hunyo.
Ang resolusyon ng CHR-Bicol, na may petsang Hulyo 7, ay batay sa reklamo na inihain ng ina ni Kieth na si Vilma at ina ni Nolven na si Cristine.
Nakasaad sa resolusyon na ang mga pamilya ng mga biktima ay dapat makakuha ng angkop na kabayaran.
Ayon pa sa CHR-Bicol, ang pagsabog at ang 79 na basyo ng mga bala na nakuha sa pinangyarihan ng pagsabog ay patunay na hindi katimbang na puwersa ang inilapat sa mga biktima na wala namang kakayahan na lumaban at kontrahin ang atake sa kanila.
Dagdag nito, ang kilos ng mga communist terrorist, na nagresulta sa pagkasawi ng mga biktima, ay patunay ng kanilang sadyang pagwawalang-bahala sa karapatan ng mga biktima sa buhay at seguridad na nakalagay sa ilalim ng Article 3 of the Universal Declaration of Human Rights (UDHR), Section 1 of Article III of the Philippine Constitution, Republic Act 9851 or the Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide and Other Crimes Against Humanity and Article 248 of the Revised Penal Code.

Tinanggap din ng PNP ang resolusyon ng Komisyon. Ayon kay C,PNP Gen. Guillermo Eleazar, ang resolusyon ay ‘’nagpapatunay ng katotohanan na ang mga rebelde ay makasarili.’’
Si Kieth at Nolven ay parehong nasawi habang ang pamangkin ni Kieth na si Chrisbin Daniel ay sugatan sa pagsabog ng isang anti-personnel mine na nanagyari sa Brgy Anas, lungsod ng Masbate noong Hunyo 6.
Ang Communist Party of the Phil-NPA ay nakalista bilang isang teroristang samahan sa Estados Unidos, European Union, United Kingdom, Australia, Canada, New Zealand at Pilipinas.