CAMARINES NORTE- Inanunsiyo ng Provincial Health Office (PHO) na simula kahapon, Enero 19 ay limitado muna “until lifted” ang admission sa medical wards ng Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH).
Batay ito sa public advisory na pirmado ni acting Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco na isinapubliko kaninang umaga.
Ayon dito, nakakaranas na ngayon ng kakulangan sa staff ang medical wards sa iba’t- ibang kadahilanan kasama na ang health concerns ng personnel.
Bukod dito, ilan din sa mga pasyente ay nagde- develop na ng COVID- 19 infections habang naka- admit sa medical wards sa kabila umano ng mahigpit na pagsunod sa infection prevention strategies sa kanilang pasilidad.
Kaya naman para maiwasan ang pagkapuno ng ospital na maaaring maging dahilan ng tinatawag na “cross” transmission ng infections ay kailangang limitahan ang bilang ng admission kada araw.
Hinimok din ng PHO ang bawat isa na sundin ang health protocols sa lahat ng pagkakataon upang mapigilan ang pagkalat ng COVID- 19.
Kung maalala ay inihayag ni Dr. Francisco sa naging panayam ng Brigada News FM Daet noong Lunes na nasa “normal” basis pa ang ospital pagdating sa mga healthcare workers at natutugunan pa naman daw ng mga ito ang kinakailangang serbisyo.
