CAMARINES NORTE- Iminungkahi ng Department of Education ang ilang adjustment scheme para maiwasan ang overcrowding sa eskwelahan lalo na sa entrance at exit at masigurong nasusunod ang social distancing.
Batay sa Memorandum ni Camarines Norte Schools Division Superintendent Nympha Guemo na may petsang March 14, 2022 na ipinalabas nitong Martes, ito ay upang lalo pang ma- improve ang implementasyon ng limited face to face classes partikular ang pagpasok ng mga bata sa eskwelahan.
Kabilang sa suhestiyon ng Division Office ay maaaring papasukin ang Kinder hanggang Grade III mula Lunes hanggang Miyerkules at ang Grade IV hanggang Grade VI mula Huwebes hanggang Biyernes o vice versa.
Sa susunod namang linggo, ang Kinder hanggang Grade III ay papasukin sa eskwelahan mula Huwebes hanggang Biyernes at ang Grade IV hanggang Grade VI ay mula Lunes hanggang Miyerkules.
Ang kaparehong scheme ay maaari ding ipatupad sa secondary kung saan mayroong set ng grade levels na magrereport sa eskwelahan mula Huwebes hanggang Biyernes at vice versa.
Sa mga eskwelahan naman na hindi applicable ang nabanggit na scheme ay maaaring magreport ang Kinder hanggang Grade III sa Week 1 at 3 at ang Grade IV hanggang Grade VI sa Week 2 at 4 kada buwan.
Ang naturang scheme ay maaari ding ipatupad sa secondary schools para maiwasan ang overcrowding lalo na sa mga eskwelahan na limitado ang classroom.
Alinman sa dalawang scheme na ito ay maaaring ipatupad simula sa Abril ng taong kasakuluyan bilang anticipation umano sa posibilidad na isailalim na lamang sa Alert Level 1 ang probinsiya.
Kapag nasa Alert Level 1 na lang ang lalawigan ay isang daang porsiento nang papasok ang lahat ng DepEd personnel mula Lune hanggang Biyernes.
Matatandaan na sinimulang ipatupad ang limited face to face classes sa lalawigan noong Marso 1.
