CAMARINES NORTE- Umaabot pa lamang sa 53 percent ang mga nabakunahan kontra COVID- 19 sa lalawigan ng Camarines Norte.
Paliwanag ni Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco nasa 71 percent na sana ito pero dahil dinagdagan ang target population na mabakunahan ay bumaba ang immunization coverage.
Aniya nasa 635,000 na ngayon ang target population sa lalawigan na mabakunahan.
Ayon kay Francisco pito na lang sa ngayon ang aktibong kaso ng COVID- 19 sa lalawigan kung saan ang dalawa dito ay naka- confine sa Camarines Norte Provincial Hospital habang ang limang iba pa ay nagpapagaling sa pasilidad ng kanilang Rural Health Units.
Ang mga ito umano ay naghihintay na lang na matapos ng kanilang quarantine period.
Wala na rin aniyang naitatalang severe case ng COVID- 19 sa lalawigan kaya patuloy ang panghihikayat ng PHO sa mga hindi pa bakunado na magpabakuna na upang mabigyan ng proteksyon laban sa sakit.
“Ngayon po talaga wala na po tayong nakikitang severe case dito sa ating probinsiya kaya nga po lagi kaming naghihikayat na sana po lahat po tayo mabakunahan para hindi na po tayo humantong dun sa sinasabi kung severe at critical case po,” ani Francisco.
Dahil sa naturang bilang ng immunization coverage posibleng hindi pa ibaba sa Alert Level 1 ang lalawigan.
Ang criteria daw kasi para ibaba sa Alert Level 1 ang isang lugar ay dapat 70 percent na ang immunization coverage.
Dapat din umanong nasa 70 percent na ang mga nabakunahan na senior citizen.
