CAMARINES NORTE- Inihayag ng Social Security System (SSS) na lumawig ang actuarial life ng pension fund nito dahil sa isang porsiyentong dagdag na kontribusyon ng mga miyembro epektibo ngayong Enero 2023.
Sa panayam ng Brigada News FM sinabi ni SSS Daet Branch Head Ermina Maria Robredo na kung hindi nagkaroon ng dagdag sa kontribusyon ay hanggang 2032 na lamang ang pondo ng state- run pension.
“Kung hindi po nagkaraoon ng increase hanggang 2032, after makapagbigay nung P1 ,000 increase sa pension last 2017, so pag re- evaluate, pag- valuation nung fund ng SSS hanggang 2032 so nag increase po baga tayo nung 2019 and 2020- 2021, nag increase po siya ng up to 2044, nag- add ng 12 years so yung latest na actuarial valuation dumagdag pa rin po ng ten years kaya naging until 2054 po yung fund life,” ani Robredo.
Mababatid na simula noong Enero 1, 2023, ang bagong SSS contribution rate ay magiging 14% na, o 1% pagtaas mula sa 13%.
Paliwanag ni Robredo ito ay bahagi ng pagpapatupad ng Social Security Act of 2018 at magiging kapaki-pakinabang din sa mga SSS members na magkakaroon ng mas mataas na benepisyo.
“Ang ano nito is magre- rebound itong increase in contribution sa expanded benefit na ibinibigay para sa mga stakeholder,”
Ang employer ang babalikat ng 1 percent increase sa contribution rate habang ang mga individual paying members, gaya ng mga self-employed, voluntary, non-working spouse at OFW members naman ang babalikat ng buong contribution rate.
Ayon pa kay Robredo, ia-adjust ng SSS ang minimum at maximum monthly salary credits (MSCs), na magsisilbing basehan ng monthly contribution ng isang miyembro.
Ang minimum MSC ay magiging P4,000 mula sa P3,000 habang ang maximum MSC naman ay tataas sa P30,000 mula sa P25,000.
