All-set na ang mga programa para sa paggunita ng ika-39 na anibersaryo ng pagkamatay ni dating senator Benigno “Ninoy” Aquino Jr. sa darating na Linggo.
Magsisimula ang naturang pagdiriwang sa ganap na ika-1 ng hapon sa Bantayog ng mga Bayani sa Quezon City, lugar kung saan pinararangalan ang mga bayani noong panahon ng Martial Law.
Uumpisahan ang pagdiriwang sa paggunita sa pagpaslang kay Aquino sa Manila International Airport na susundan ng sandaling katahimikan.
Magkakaroon din ng presentasyon ng mga video ng First Quarter Storm, Plaza Miranda Bombing, Martial Law declaration, Mosquito Press, Confetti Revolution, Snap Elections noong 1986, at EDSA People Power Revolution sa buong kaganapan, na tatagal hanggang gabi.
Nakatakda namang maghatid ng kaniyang mensahe ang sanak ni Aquino na si Ballsy Aquino-Cruz at ang tinaguriang “Crying Lady” na si Rebecca Quijano.
Magbibigay din ng kanilang mensahe ang manunulat na si Bonifacio Ilagan, dating senador at Laguna Governor Joey Lina, political prisoners former Commission on Human Rights (CHR) chair Etta Rosales, former Social Welfare Secretary Judy Taguiwalo, at si Ma. Cecilia Oebanda.
Dadalo rin sa naturang pagdiriwang ang mga beterano ng People Power na sina dating Senator Kiko Pangilinan, presidential aspirant Leody de Guzman, Fidel Nemenzo, Liddy Nacpil, at Leah Navarro.
Maaalalang pinaslang si Aquino matapos itong bumalik sa Maynila mula sa Estados Unidos noong August 21, 1983 sa edad na 50 matapos lumabas ng eroplanong naghatid sa kanya pabalik ng Pilipinas.
#