BNFM BICOL– Sa loob ng rehas magdiriwang ng pasko ang isang 42-anyos na abacca stripper sa bayan ng Gigmoto, Catanduanes matapos itong arestuhin ng mga otoridad dahil sa panunutok ng baril sa isang 62-anyos na senior citizen sa Brgy. Sioron, nasabing bayan.
Batay sa inisyal na ulat ng Gigmoto Municipal Police Station, nakilala ang suspek na si alyas “Erick,” residente ng Brgy. San Vicente naturang bayan at ang biktima nitong si alyas “Carlos” 62-anyos, magsasaka at residente ng Brgy. Sioron.
Nauwi umano sa pagbunot ng baril ng suspek ang sa una’y pagtatalo lamang nito at ng biktima.
Nagkaroon ng pagkakataong tumakas ang biktima at magtungo sa himpilan ng pulisya upang isumbong ang naturang insidente.
Sa pag responde ng mga otoridad, positibo nitong itinuro ang suspek na kalaunan ay inaresto ng pulisya. Narekober ng PNP mula sa posesyon nito ang kalibre 38 baril na walang serial number.
Bunsod nito, maaaring makasuhan ang suspek sa kasong paglabag sa R.A 10591 o ang Illegal Possession of Firearms and Ammunition.
Bagamat hindi kargado ng bala ang nakumpiskang armas ng suspek, pwede itong sampahan ng kaso lalo na at ginamit ito sa pananakot.
Kasalukuyan nang naka kustodiya ang suspek sa himpilan ng Gigmoto PNP para kaharapin ang isasampang kaso laban sakanya.###