ITINUTURING ngayon ng Thailand bilang ‘country’s deadliest incident’ ang nangyaring massacre sa isang daycare center sa nasabing bansa na ikinasawi ng 36 na indibidwal kabilang ang 24 na mga musmos na bata.
Batay sa ulat, nangyari ang insidente nitong Huwebes kung saan tinukoy ng mga otoridad ang suspek sa madugong insidente na nagngangalang Panya Kamrab, 34-anyos at isang dating pulis.
Kalagitnaan o tanghali umano nitong Huwebes nang maganap ang insidente kung saan bigla na lamang pumasok ang suspek sa Child Development Center sa Nong Bua Lamphu probinsya ng Uthaisawan, Na-Klang District.
Hinahanap umano ng suspek ang kanyang anak sa naturang paaralan ngunit nang bigo itong makita ng suspek ay saka na nito sinimulan ang pananaksak sa mga batang natutulog sa loob ng classroom ng mga oras na iyon.
Hindi rin nakaligtas sa malagim na trahedya ang mga staff at mga guro ng paaralan na pinagbabaril ng suspek kabilang ang isang babaeng guro na walong buwan nang buntis.
Batay pa sa report, edad dalawa hanggang limang taong gulang ang 24 na mga batang biktima na pawang namatay sa pamamagitan ng saksak.
Samantala, bigo namang maaresto at maparusahan ng batas ang suspek matapos itong magpatiwakal sa loob ng kanyang bahay, ngunit bago nito kinitil ang sariling buhay ay nauna niyang pinatay ang kanyang asawa at anak.
Napag-alaman na ang suspek sa naturang insidente ay na relieve mula sa pagiging pulis matapos itong masangkot sa kasong may kinalaman sa iligal na droga.
Sa ngayon, patuloy na nagluluksa ang buong Thailand habang nagpaabot na rin ng pakikiramay sa mga pamilya ng biktima si Thailand Prime Minister Prayut Chan-O-Cha na tinawag ang insidente bilang pinakamalagim na massacre na nangyari sa kasaysayan ng Thailand.### JUMEL DELA ROSA