CAMARINES SUR – Umakyat na ngayon sa 23. 2 Milyon pesos ang danyos na iniwan ng nagdaang bagyong Kristine sa sektor ng pangingisda sa probinsya ng Camarines Sur ayon sa pinakahuling datos ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Bicol.
Sa panayam ng Brigada News FM Naga kay BFAR Bicol Spokesperson Wheng Briones, base aniya sa record ng ahensya as of October 29, umabot na rin sa 1, 620 mangingisda ang labis na naapektuhan ng bagyo.
Kaugnay nito nakikipag-ugnayan na ang BFAR sa iba pang ahensya tulad ng Department of Agriculture at iba pang rehiyon upang matulungan ang mga mangingisdang apektado ng pananalasa ng bagyo sa pamamagitan ng pagbibigay ng rehabilitation intervention lalo na sa mga nangangailangan ng fingerlings upang makabangon muli.
Samantala, may na-monitor nang paggalaw sa presyuhan ng isda ang ahensya sa mga panguhaning merkado publiko sa lalawigan subalit sapat pa aniya ang supply ng rehiyon para sa mga mamimili.
Patuloy ring naglilikom nang datos mula sa mga field offices ang BFAR kung kaya’t inaasahan pa na aakyat ang mga bilang ng kabuoang danyos sa nasabing sektor.