SORSOGON CITY—Obligasyon ng Comelec na maghanda. Pahayag ito ni Sorsogon Provincial Comelec Officer Atty. Calixto Aquino Jr. sa harap ng agam-agam ng publiko na baka hindi rin matuloy ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections na nakatakda sa buwan ng Disyembre.
Mayroon na kasing House Bill na nakahain sa kongreso hinggil sa planong muling pagpapaliban nito.
Paliwanag ng opisyal dahil nananatili ang batas na nagtatakda ng eleksyon para sa Barangay at SK sa December 5, 2022 kung kaya dapat lamang na kanila itong paghandaan at bahagi sa paghahandang ito ang voter registration.
Ang pagpaparehistro kasi umano ang pinakaunang hakbang ng paghahanda dahil ang pinal na bilang ng mga botante ang kanilang magiging batayan sa iba pang preparasyon na kailangan nilang gawin.
Kabilang na anya dito ang pagdetermina ng bilang din ng mga voting precincts na kakailanganin gayundin ang bilang ng mga gurong itatalagang miyembro ng electoral board.
Una rito, binigyang-diin ng opisyal na hangga’t ang batas hinggil sa nakatakdang eleksyon sa Disyembre ay hindi naaamyemdahan ay obligado umano silang iimplementa ito.