CAMARINES NORTE- Inihayag ng pamunuan ng Camarines Norte Electric Cooperative (CANORECO) nitong Biyernes na walang mga naka- schedule na power service interruption sa lalawigan dahil sa halalan.
Kung sakali man na makaranas ng pagkawala ng serbisyo ng kuryente ito umano ay biglaan at hindi inaasahan.
Sinabi ito ng Canoreco management sa kanilang lingguhang programa na napapakinggan sa iba’t- ibang himpilan ng radyo sa lalawigan.
Kaugnay nito ay hinimok ng naturang kooperatiba ng kuryente ang publiko na agad na tumawag sa kanilang hotline sakaling makaranas ng brown out upang agad umanong maaksyunan ng kanilang mga lineman at mabilisang maibalik ang serbisyo ng kuryente.
Sa ngayon ang pinagkakaalabahan umano ng kanilang technical personnel ay ang paghahanda sa halalan.
Kahapon ay nagpalit ng bulok na crossarm o service line holder ang Canoreco technical personnel sa Provincial Canvassing Office sa Provincial Capitol.
Patuloy rin daw ang pagsasagawa ng thermal scanning ng reclosers, air break switches, bypass switches at jumper connections sa iba’t- ibang lugar bilang paghahanda pa rin sa halalan.
