BNFM BICOL— Inihayag ni Major General Alex Luna – Commander ng 9th Infantry Division Philippine Army at ng Joint Task Force Bicolandia, na epektibo ang kanilang isinasasagawang paghikayat at mga ipinatutupad na programa para magbalik loob sa gobyerno ang mga miyembro ng New People’s Army at ng iba pang mga rebeldeng grupo.
Ginawa ng opisyal ang pahayag kasabay ng isinagawang “Presentation of Former Rebels and Turn-Over Ceremony” nitong nakaraang linggo sa lungsod ng Ligao, kung saan aabot sa siyam na mga sumukong dating miyembro ng CNT ang iniharap sa publiko.
Pagbibigay diin nito, ang pagsuko ng mga rebelde at pagbabalik loob sa pamahalaan ay isang repleksyon na abot kamay na umano ng rehiyon ang kapayapaan na matagal na nilang ipinaglalaban.
Kasabay nito ang pagbibigay asegurasyon ng Philippine Army sa mga benepisyo at proteksyon na nararapat na maibigay sa mga rebel returnee partikular ang pagsasailalim sa mga ito sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP.###