Nilinaw ni Basay Negros Oriental Municipal Disaster Risk Reduction Management Office Chief Jay Abing na walang kinalaman sa bagyo ang pagkalunod ng tatlong indibidwal sa lugar.
Ayon kay Abing aksidente ang nangyari sa isang ama at 4-anyos na anak nito matapos itong madulas habang tumatawid sa dike noong pauwi ito sa kanilang bahay.

Sinubukan umano itong iligtas ng isang habal-habal drayber na pinsan ng biktima subalit maski ito ay namatay din.
Sinabi ni Abing na maganda naman ang panahon sa kanilang lugar at hindi sila apektado ng bagyong Agaton.
Dahil dito nanatiling nasa isa pa lamang ang naitatalang casualty ng NDRRMC dahil bagyo matapos malunod ang isang 83-anyos na lolo sa Barangay Alegria sa Cateel, Davao Oriental.