Hinikayat ni Cauayan City Agriculturist Engr. Ricardo Alonzo ang mga magsasaka sa lunsod na makilahok sa isasagawang Mobile Soil Sampling and Analysis.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay Engr. Alonzo, ang naturang aktibidad ay pangungunahan ng Mobile Soil Laboratory Cagayan Valley Integrated Agricultural Laboratory ng DA Region 2.
Aniya, napakahalaga ng soil testing para malaman ng mga magsasaka kung anong uri ng pataba ang ia-apply sa lupa at kung ano ang kakulangang elemento ng kanilang mga sakahan.
Matutulungan din aniya ang mga magsasaka upang makatipid sa abono lalo na ngayong mataas ang presyo nito sa merkado.
Kaugnay nito ay pinayuhan ni Engr. Alonzo ang mga farmer sa lunsod na gustong makilahok sa naturang aktibidad na makipag-ugnayan lamang sa kanilag mga nakatalagang agricultural extension workers.
Kailangan aniyang ihanda nang mabuti ang mga ipapasuring lupa kung saan dapat ay pulverized ito at lagyan ng label kung nasa irrigated na area o hindi.
Nakatakda namang gawin ang soil testing sa April 5-8, 2022 sa City nursery sa barangay Cabaruan.