SORSOGON CITY – Aprubado na sa wakas ang Comprehensive Land Use Plan (CLUP) 2021-2029 ng Munisipyo ng Gubat sa pamamagitan ng Sangguniang Panlalawigan Resolution No. 23-2022.
Ang CLUP ay isang blueprint para sa lokal na pag-unlad. Sinusuri nito ang pisikal, sosyo-ekonomiko, institusyonal at legal na mga potensyal at mga hadlang sa pinakamainam at napapanatiling paggamit ng mga yamang lupa at tubig, at binibigyang kapangyarihan ang publiko na gumawa ng mga desisyon kung saan ilalaan at gagamittin ang nasabing mga resources.
Naglalarawan din ito ng mga aktwal na hangganan ng territorial jurisdiction, naglalaman ng nais na mga pattern ng paggamit ng lupa ng lokalidad, nagsasalin at nagsasama ng mga sektoral na plano, at nagbibigay ng naaangkop na mga patakaran para sa bawat isa sa apat na kategorya ng pagpaplano ng paggamit ng lupa.
Ang CLUP ng munisipyo ay nakabatay sa Philippines National Framework Strategy on Climate Change (NFSCC) kung saan ang integrated ecosystems approach or ‘ridge-to-reef’ framework ay itinuturing na isang pangunahing haligi ng plano.
Matatandaan na bago nabuo ang 2021-2029 CLUP, ang Munisipyo ng Gubat ay dumaan sa participatory process kung saan katuwang sa pagpaplano ang mga taong direktang apektado ng plano upang matiyak ang katumpakan ng lahat ng mga datos.
