BNFM BICOL—Nakapagtala ng 31 mga bagong kaso ng COVID-19 ang Bicol region kahapon batay sa ulat ng Department of Health.
Sa naturang bilang, 13 dito ang mula sa lalawigan ng Camarines Sur kung saan apat naitala sa Naga City; dalawa sa Pasacao at Pili habang may tag-iisang kaso ang mga bayan ng Calabanga, Caramoan, Lagonoy, Libmanan at Nabua.
Walong bagong kaso naman ng sakit ang naidagdag sa Catanduanes kung saan dalawa nito ang mula sa Panganiban, San Andres at Virac habang tag-isa ang bayan ng Baras at Gigmoto.
Ang lalawigan ng Albay ay may limang mga bagong kaso kung saan dalawa nito ang mula sa Tabaco City at tag-iisa rin ang Bacacay, Guinobatan at Polangui.
Lima rin ang naidagdag sa Sorsogon kung saan tatlo ang mula sa Irosin at tag-isa ang Casiguran at Donsol habang zero new case naman ang Camarines Norte at Masbate.
Bunsod nito, pumapalo na sa 58,694 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa rehiyon kung saan 7,524 sa mga ito ang nananatiling aktibong kaso.
Nadagdagan naman ng 123 ang bilang ng mga gumaling kung kaya’t nasa 49,056 na ang recoveries habang pito naman ang naidagdag sa mga nasawi na sa ngayon ay mayroon nang kabuuang 2,114.###