SORSOGON CITY – Tumaggap ng parangal ang 12 police units ng Masbate Police Provincial Office ng Silver Eagle Award sa katatapos lamang na Proficiency Stage Conferment and awarding ceremony of lower units ng PNP.
Kinabibilangan ito ng 1st PMFC at mga Municipal Police Stations ng Dimasalang, Cataingan, Pio V Corpuz, Aroroy, Baleno, San Fernando, Batuan, Placer, Uson, Balud at Monreal.
Tumanggap din ng Proficient Status ang mga Municipal Police Stations ng Claveria, Palanas, Milagros, Cawayan, Mobo San Jacinto, Esperanza, Mandaon, San Pascual at Masbate City Police Station.
Nagpasalamat naman si Masbate Police Provincial Director PCol Joriz Cantoria sa Provincial Advisory Group at stakeholders sa kanilang kontribusyon upang makamit ang lahat ng requirements ng PGS Proficient Stage at sa suporta ng lokal na pamahalaan sa pulisya.
Hinikayat nito ang mga pulis na huwag lamang magtrabaho, dahil ito raw ay isang responsibilidad, bagkus ay gawin lahat nang makakaya upang pagsilbihan ang taong bayan.
Ang Silver Eagle Award ay iginawad sa mga PNP units na may magandang rekord at serbisyo sa taumbayan at bahagi ng Performance Governance System (PGS).
