CAMARINES NORTE- Hinimok ng isang pari sa lalawigan ng Camarines Norte ang bawat isa na huwag nang maghintay ng Undas para dalawin ang puntod ng mga yumaong mahal sa buhay.
Ayon kay Father Salvador Babala IV, Parish Priest at Rector ng dinarayong Shrine of Jesus the Black Nazarene at Parish of St. Lucy sa Capalonga, mainam umano na gawin ng mas maaga ang pagunita sa mga mahal sa buhay na pumanaw.
Ito ay upang maiwasan ang pagdagsa ng maraming tao sa mga sementeryo kapag malapit na ang Undas.
Noong isang taon ay ipinasara ng gobyerno ang mga sementeryo sa buong bansa dahil na rin sa banta ng COVID- 19.
Ayon kay Babala, malamang ay ito rin ang mangyari ngayong taon kaya’t mas mainam aniya na samantalahin ang pagkakataong makapag alay ng panalangain sa puntod ng mahal sa buhay na yumao.
Nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) ang buong lalawigan ng Camarines Norte ngayong buong buwan ng Oktubre.
Sa ngayon ay wala pang ipinapalabas na kautusan ukol dito ang Provincial Incident Management Team.
