Kanin is life! Pero hindi siguro aabot sa punto na pati ang iyong rice cooker ay kaya mong pakasalan!
Ang pagpapakasal sa taong iyong minamahal ang isa sa pinakapinaghahandaan at pinakahihintay na kaganapan sa buhay ng isang tao.
Pero kakaiba ang trip ng isang lalaki sa Indonesia na ngayon ay umaani na ng samot saring reaksyon sa social media dahil sa pagpapakasal nito sa isang rice cooker.
Ang groom na si Khoi-Rul Anam ay kinaaliwan sa social media matapos kumalat ang wedding pictures nito kasama ang kaniyang rice cooker bride.
Sa mga nasabing larawan, makikitang pinaghandaan ni Anam ang kaniyang kasal kung saan nakaputi itong damit pangkasal at pinagsuot din ng belo ang kanyang rice cooker bride. Makikita rin sa larawan ang paghalik nito sa rice cooker.
Pero apat na araw matapos ang kasalang naganap ay diniborsyo na agad ni Anam ang nasabing kitchen equipment at sinabing kanin lamang ang kaya nitong lutuin. Uploaded din sa facebook ang hiwalayang naganap.
Ang nasabing kasalan at divorce ay pakulo lamang umano ni Anam upang magbigay aliw sa social media world.
Ayon sa local news sources, si Anam ay isang Indonesian celebrity na kilala sa mga kakaibang pakulo para magbigay aliw sa kanyang mga fans.
Tagumpay naman naman umano nitong itinuturing sa layuning lumikha ng viral social media stardom ang kanyang pagpapakasal sa rice cooker matapos itong magdulot ng samot saring reaksyon mula sa mga netizen. || Shiela Madrigalejos