Bishop Alarcon ng Daet nanawagang wakasan na ang pagkakahati- hati at bangayang laganap ngayon sa bansa

CAMARINES NORTE- Nanawagan si Diocese of Daet Bishop Rex Andrew Alarcon na wakasan na ang pagkakahati- hati, galit at karahasang laganap ngayon sa bansa.

Sa kaniyang homily sa pagdiriwang ng kapistahan ng Divino Rostro ngayong Biyernes, sinabi nito na nakakalungkot na inilalarawan ngayon ang mga Pilipino bilang isang bansa na nagkakahati- hati, nagbabangayan at hindi nagpapatawad.

Ayon kay Alarcon, ang sistema ng pulitika sa bansa ay paghihiganti na makikita maging sa mga maliliit na pamayanan at kahit sa loob ng pamilya na isa umanong nakakalungkot na kalagayan at pinalala pa ng mga kontrobersya na dulot ng COVID- 19 pandemic.

“Isang nakalulungkot na paglalarawan sa atin bilang isang bansa ngayon ay  ang tahasang pagkakahati- hati, merong pinipilit na ilagay tayo sa dalawang kulay lamang at sinasabi ngayon na tayo ngayon ay naging isang komunidad na galit, hati, nagbabangayan, nagsisiraan, talagang nakakalungkot, isang bayang nahahati, nag- aaway at walang pagpapatawad,” ani Alarcon.

Read More:  German national dies in Mandaue pension house fire

Tanong ng Obispo sa bawat  isa na kung kailangan pa bang makisali sa kaguluhang ito.

Bagamat hindi naman aniya nangangahulugang manahimik at magpikit mata na lamang sa mga nangyayaring, kasamaan, kawalan ng katarungan at pagyurak sa mga karapatan ay dapat umanong iwasan ang pagiging marahas.

“Ano ang tugon ng isang katoliko, ng isang kristiyano, bagamat hindi natin sinasabi na magpikit mata sa kasamaan, paglabag ng katarungan o pagyurak sa mga karapatan, hindi naman natin landas ang paghihiganti o pagiging marahas, kailangan nating wakasan ang mga ito, subalit iba ang paraan natin, hindi paghihiganti, hindi kasamaan, hindi dahas ang pamamaraan ni Jesus, iba ang standard, iba ang panukat ni Jesus.”

Read More:  Caretaker dies after stabbing incident in San Vicente, Palawan

Mababatid na kung walang pandemya ay simula na sana ngayong araw ang malalaking aktibidad na may kaugnayan sa pagdiriwang ng kapistahan ni Ina, Nuestra Senora De Penafrancia na patrona ng Bicol.

Ang kapistahan kasi ng Divino Rostro ay ang pagsisimula rin ng Nobenaryo sa karangalan ni Ina na sinisimulan sa pamamagitan ng Traslacion.

Dahil hindi makakapunta sa Lungsod ng Naga at wala ring traslacion ngayong taon, minarapat ng Diocese of Daet na magkaroon na lang ng lokal na selebrasyon.